Itinaas na ng Department of Health (DOH) sa code white alert ang mga ospital at iba pang health facility na malapit sa Bulkang Kanlaon.
Ayon kay Health Asec. Albert Domingo, agad nilang inatasan ang mga health official sa naturang bayan at mga karatig-lugar na ihanda ang lahat ng mga kagamitan para sa mabilis na responde.
Nagpadala na rin ang DOH Western Visayas for Health Development ng mga face mask, safety goggles, hygiene kits, water bottle at disaster relief tents.
Agad itong ipinamahagi sa mga apektadong residente na inilikas dahil sa pagputok ng Bulkang Kanlaon.
Nagpaalala naman ang DOH sa mga sakit na maaaring makuha mula sa mga abo na ibinuga ng bulkan.
Kaya’t dahil dito, pinayuhan ang mga residente na agad na magtungo sa pinakamalapit na pagamutan sakaling makaramdam ng hirap sa paghinga at pananakit ng mata.