DOH, itinangging pinipigilan ang mga laboratoryo na maglabas ng COVID-19 test results

Pinasinungalingan ng Department of Health (DOH) ang pahayag ni Philippine Red Cross (PRC) Chief Senator Richard Gordon na hinaharang ang mga laboratoryo sa paglalabas ng COVID-19 positive test results.

Matatandaang sinabi ni Gordon na nasa one-third ng higit 15,700 individuals na nagpositibo sa COVID-19 ay hindi naabisuhan sa kanilang test results.

Sa statement ng DOH, iginiit nila na hindi nila pinipigilan o nagpatutupad ng anumang paghihigpit sa mga laboratoryo hinggil sa paglalabas ng resulta sa mga pasyente.


Iginiit ng DOH na ang paglalabas ng test results ay requirement sa kasalukuyang guidelines.

Hindi na rin kailangang humingi ng permiso mula sa DOH para ilabas ang resulta sa mga pasyente basta’t nasusunod ang DOH issuances.

Sa ilalim ng DOH Administrative Circular No. 2020-0013, ang mga health facilities at disease reporting units ay mina-mandatong magtalaga ng isang COVID-19 coordinator na siyang mag-aabiso ng test results sa doktor o sa pasyente.

Kinakailangan ding magsumite ang mga laboratoryo ng additional reports sa surveillance units.

Facebook Comments