Umapela ang mga healthcare workers sa Department of Health (DOH) na ibigay na ang kanilang Special Risk Allowance (SRA) at One COVID-19 Allowance (OCA).
Ayon kay Dr. Jose Rene de Grano, presidente ng Private Hospital Association of the Philippines, Inc. (PHAPI), sa ngayon ay nasa higit 100,000 pang mga healthcare workers ang hindi nakatatanggap ng naturang allowances.
Nagtataka aniya sila kung bakit hindi pa ito nakararating sa mga ospital gayong Enero pa nang ilabas ang pondo para rito.
Nabatid na aabot sa ₱1.185 billion na pondo ang inilabas ng Department of Budget and Management (DBM) para sa SRA ng mahigit 63,000 na mga healthcare workers kasunod ng pag-apruba rito ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
“Nangangako sila na magbibigay ng mga ganitong benepisyo sa ating mga health workers pero pagdating na po doon sa pagri-release, sa pagdi-disburse… kahit nailabas na po yan ng DBM, nasa kanila na ang pera, bakit hirap na hirap sila na mag-release?” pag-kwestiyon ni De Grano.
“Lagi pong sinasabi sa kanila, eto, mag-submit kayo ng ganito. Upon submission naman po ng mga requirements na kinukuha sa kanila, ang sinabi lang po ‘sige, okay, maghintay na lang kayo.’ E February na po, wala pa ring dumarating. E ang sinisisi minsan ng mga health workers e yung mga ospital,” dagdag niya.
Kasabay nito, nanawagan si De Grano kay DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire na alamin kung ang central office ba o ang mga regional center ang may problema sa paglalabas ng pondo.