Patuloy ang pagbuti ng COVID-19 situation sa bansa kahit nasa 100% na ang venue capacity ng mga establisyemento sa 39 na lugar na nakasailalim sa Alert Level 1.
Ito ang assessment ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III, higit isang linggo makaraang ibaba sa Alert Level 1 ang Metro Manila at 38 na iba pang lugar sa bansa.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ng kalihim na nasa isang linggo na at mas mababa parin sa 1,000 ang naitatalang COVID-19 cases sa bansa.
Umaasa aniya ang pamahalaan na bababa pa sa 500 o mas mababa pa ang mga kasong maitatala kada araw.
Kung magtutuloy-tuloy aniya ito, posible nang maisailalim sa Alert Level 0 ang iba pang lugar sa bansa.
Gayunpaman, nilinaw ng kalihim na pinag-aaralan pa ng expert panel ng pamahalaan ang guidelines na iiral sa ilalim ng Alert Level 0.