DOH, kuntento sa ipinapatupad na health protocols ng pamunuan ng malls na pinayagan nang magbukas

Kuntento ang Department of Health (DOH) sa inilatag na health protocols, safety measures at minimum health standards ng mga pamunuan ng mga mall na pinayagan nang magbukas sa Metro Manila at sa ibang probinsya.

Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, mismong ang pamunuan ng malls ang gumagawa ng hakbang para masiguro ang kaligtasan ng kanilang mga empleyado at ng publiko.

Kabilang dito ang mahigpit na pagpapatupad ng physical distancing papasok at habang nasa loob ng mall, pagkuha ng temperature, paninigurong naka-face mask ang lahat at paglalagay ng alcohol sa entrance, maging sa bawat establisyimento.


Nagsasagawa rin ng disinfection sa loob at labas ng mall bago ito magbukas at pagkasara.

Hinimok naman ni Usec. Vergeire ang publiko na sumunod sa hakbang na ipinapatupad ng pamahalaan at ng mga mall para malabanan ang virus.

Aniya, ito na rin ang dapat na makasanayan ng publiko sa pagharap sa ‘new normal’ na pamumuhay upang masiguro ang kaligtasan ng bawat isa lalo na’t wala pang bakuna kontra COVID-19.

Facebook Comments