Maglalabas ang Department of Health (DOH) ng plano para sa nakatakdang pagpapabakuna ng milyun-milyong Pilipino laban sa COVID-19.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, mahalaga ang nasabing plano para maiwasan ang anumang aberya sa oras na magsimula na ang pagtuturok ng bakuna laban sa COVID-19.
Aniya, bumuo sila limang kategorya para mabatid kung sino ang unang tuturukan ng bakuna.
Kabilang dito ang mga healthcare workers, matatanda, may sakit, mahihirap na pamilya at mga uniformed personnel tulad ng Armed Forces of the Philippines (AFP) o Philippine National Police (PNP).
Gayunman, hindi naman sinabi ng kalihim kung ano ang bakuna na posibleng iturok sa mga Pinoy.
Una nang sinabi ni Duque na nakadepende ang distribusyon sa requirement ng kada bakunang ilalabas.