Nakikiusap ang Department of Health (DOH) sa mga healthcare worker na itigil na ang isasagawang kilos protesta sa unang araw ng Setyembre.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni DOH Spokesperson Usec. Maria Rosario Vergeire na nalalagay kasi sa alanganin ang health system sa bansa pati na ang kapakanan ng mga pasyente.
Aniya, dapat bigyan daan ng mga healthcare worker ang pamamalasakit sa mga pasyente.
Samantala, nanindigan ang ilang healthcare worker na hindi na sila mapipigilan sa isasagawang mass protest para ipanawagan ang mga benepisyong ipinangako ng pamahalaan sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Sinabi ni Filipino Nurses United (FNU) Secretary General Jocelyn Andamo, marami aniyang buhay ang nawawala dahil sa kawalan ng resources, pondo at maging accessible na serbisyo na patunay lamang ng criminal neglect.
Dagdag pa niya, kumukunsulta na sila sa mga abogado para sa posibleng mga kasong isasampa laban sa mga opisyal ng DOH.
Ayon naman sa Alliance of Health Workers (AHW), itutuloy nila ang protesta sa kanilang hanay kung mabibigo ang DOH na ibigay ang kanilang Special Risk Allowance (SRA) at iba pang benepisyo.
Matatandaan, ilang health workers na ang nagsagawa ng kilos protesta sa Philippine General Hospital (PGH), Tondo Hospital, Jose Reyes Memorial Medical Center at iba pang bahagi ng bansa.