DOH, may inilabas na paalala sa mga apektado ng pagsabog ng Bulkang Taal

Naglabas ng mga paalala ang Department of Health (DOH) sa publiko partikular ang mga apektado ng pagsabog at ilang aktibidad ng Bulkang Taal.

Pinapayuhan ng DOH ang mga residente hinggil sa paghahanda kung saan ang mga nakatira sa mga lugar na malapit sa bulkan ay hinihimok na ihanda ang tinatawag na “go bag” o “emergency balde” at mga sarili para sa posibleng paglikas.

Ang mga go bag o emergency balde ay maaaring paglagyan ng mga sumusunod:


– Malinis na mga damit at hygiene kits
– Tubig na maiinom
– Insect repellent o kulambo
– Mga pagkaing hindi agad mapapanis tulad ng de lata, biskwit at iba pa
– Gamot at first aid kit
– Face mask at face shield

Sakali naman lumikas, sinabi ng DOH na ang mga apektadong residente ay mainam na:

– Manatili sa loob ng isang ligtas na evacuation center
– Tiyakin na ligtas at malinis ang inuming tubig
– Hangga’t maaari, iwasang magtira ng pagkaing mabilis na mapanis
– Panatilihing malinis ang evacuation center upang maiwasan ang anumang sakit
– Ang mga nanay naman na may sanggol ay maiging ipagpatuloy ang breast feeding

Bukod dito, palagi rin sundin ang mininum public health standards upang maiwasan tamaan ng COVID-19 at maigi rin na dumistansya ng isang metro sa mga taong hindi kasama sa loob ng tahanan kapag nasa evacuation center.

Facebook Comments