Muling nagpaalala ang Department of Health (DOH) sa publiko kasunod nang pag-arangkada ng local campaign period.
Sa press conference sa Malacañang, sinabi ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire na walang puwang ang pagpapabaya kahit pa unti-unti nang bumababa ang mga kaso ng COVID-19 sa bansa.
Ani Vergeire, kailangang tumalima pa rin sa health and safety protocols ang publiko lalo na ang pagsusuot ng face mask at pagsunod sa social distancing.
Apela pa nito sa mga kandidato na dapat sila ang magsilbing ehemplo sa kanilang mga taga-suporta sa pamamagitan nang pagsunod sa health protocols.
Ngayong mataas aniya ang kaso ng COVID-19 sa mga kapitbahay nating mga bansa, marapat lamang na magdoble ingat ang mga Pilipino upang maiwasan ang pagkakaroon muli ng COVID-19 surge.