Naglabas ang Department of Health (DOH) ng paglilinaw sa sitwasyon ng COVID-19 sa 26 na lugar na nasa Alert Level 2 status hanggang sa katapusan nitong buwan.
Sa pahayag ng DOH, sinabi na ang mga lugar ay nauna nang nasa ilalim sa Alert Level 2 status noon pang June 2022.
Binanggit din ng DOH na ang Alert Level 2 status sa mga nasabing lugar ay hindi dahil sa pagtaas ng kaso ngunit dahil hindi pa nakakamit ang kinakailangang vaccination target.
Dagdag pa ng DOH, patuloy itong nakipagtutulungan sa Local Government Units ng mga natukoy na probinsya at lungsod na taasan ang kanilang COVID-19 vaccination coverage.
Binanggit din ng DOH na walang probinsya o lungsod ang itinaas sa Alert Level 2 mula sa Alert Level 1 mula noong Enero ngayong taon.
Ang mga lugar na inilagay ng COVID-19 task force sa Alert Level 2 hanggang April 30 ay ang Benguet, Ifugao, Quezon Province, Palawan, Camarines Norte, Masbate, Antique, Negros Occidental, Bohol, Cebu Province, Negros Oriental, Leyte, Western Samar, Lanao del Norte, Davao de Oro, Davao del Norte, Davao del Sur, Davao Occidental, North Cotabato, Sarangani, Sultan Kudarat, Dinagat Islands, Basilan, Maguindanao, Sulu, at Tawi-Tawi.
Iginiit pa ng DOH na nanatili namang nasa “manageable level” ang healthcare utilization rate ng bansa.