Nagkasa ng vaccination fare ang Department of Health (DOH)-Metro Manila Center for Health Development sa National Capital Region Police Office o NCRPO.
Layon nitong palakasin ang pagbabakuna ng pamahalaan kontra sa iba’t ibang sakit tulad ng pneumonia, typhoid, tigdas at maging sa COVID-19.
Binigyang-diin ni DOH-MMCHD Regional Director Gloria Balboa ang kahalagahan ng pagiging bakunado sa iba’t ibang uri ng sakit lalo na sa mga nasa unipormadong hanay.
Maliban kay Balboa, panauhin din sa nasabing vaccination fare ang asawa ni Philippine National Police (PNP) Chief P/Gen. Rodolfo Azurin Jr. na si Gng. Mary Grace o Gaykee Azurin na siya ring tumatayong adviser ng PNP Officers’ Ladies Club.
Sa kaniyang panig, hinikayat ni Gng. Azurin ang mga pulis na magpabakuna dahil bukod sa magbibigay ito ng karagdagang proteksyon ay mapagbubuti pa nito ang pagganap sa kanilang tungkulin bilang mga tagapagpatupad ng batas.