Sa unang araw ng Bakunahang Bayan, hinihimok ng Department of Health (DOH) ang mga magulang na samantalahin na ang pagkakataon para maturukan ng bakuna kontra COVID-19 ang kanilang mga anak.
Nabatid na target sa ikinakasang vaccination program ng pamahalaan ang mga batang may edad 5 hanggang 17 taong gulang na hindi pa nakatatanggap o kulang pa ang bakuna kontra COVID-19.
Sa Maynila, unang ikinasa ang Bayanihan Bakunahan ng DOH sa Tondo Foreshore Super Health Center kung saan target na maturukan ng bakuna ang nasa halos 100 na bata at mga menor de edad.
Para mas mapabilis ang pagbabakuna, nauna nang nagsagawa ng screening ang mga tauhan ng health center para malaman ang kalagayan ng mga nais sumalang sa bakuna.
Bago masalang sa pagbabakuna, kinakailangan pa rin ang consent o pahintulot ng mga magulang kung saan maaari rin silang sumama para alalayan ang kanilang mga anak.
Bukod sa nasabing health center, tutungo rin sa bawat bahay ang mga magsasagawa ng bakuna upang turukan ang hindi nababakunahan o kulang pa sa doses na mga senior citizien at persons with comorbidity.