Patuloy na hinihikayat ng Department of Health (DOH) ang publiko na kung maaari ay magsuot pa rin ng face mask.
Ito’y upang makaiwas sa influenza-like illness ngayong holiday season at mahawaan ng COVID-19 na bahagyang tumaas ang bilang ng tinatamaan.
Nabatid na naitala ng DOH ang 10% pagtaas ng COVID-19 sa nakalipas na isang linggo kaya’t maiging mag-ingat upang hindi mahawaan ng sakit.
Sa nasabing datos, mula Nobyembre 28 hanggang Disyembre 4, nasa 1,340 na bagong kaso ang naitala sa bansa kung saan ang average na bilang ng bagong kaso kada araw ngayong linggo ay nasa 191.
Matatandaan na maging si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ay hinihikayat ang lahat na magsuot pa rin ng face mask lalo na sa mga matataong lugar ngayong panahon ng Kapaskuhan.
Ito’y matapos na magpositibo sa COVID-19 kung saan pinayuhan niya amg bawat Pilipino na mag-ingat, alagaan ang kanilang kalusugan at magpabakuna upang maging ligtas sa virus.
Hinihimok naman ng DOH ang publiko na kung makakaranas ng sintomas ng sakit, maiging mag-isolate at kumonsulta kaagad sa doktor para sa paunang lunas.