Muling nagpaalala ang Department of Health (DOH) sa publiko laban sa pagsasagawa ng mass gatherings tulad ng Christmas parties sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Matatandaang nakatanggap ang publiko ng text message mula sa National Telecommunications Commission (NTC) kung saan nagbibigay ng payo kung paano isinasagawa ang Christmas parties sa gitna ng pandemya.
Nakasaad sa text: “DICT, DOH, HPAAC: May Christmas Party? Buksan ang bintana at electric fan. Mas ligtas kung outdoor ang venue. Maligayang Pasko. Kaya natin ‘to!”
Pero nilinaw ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, hindi nila inaprubahan ang nasabing text message at maglalabas pa lamang sila ng guidelines sa pagsasagawa ng Christmas parties.
Iniimbestigahan na nila kung saang galing at kung sino ang nag-umpisang maglabas nito.
Inirekomenda ng DOH ang pagsasagawa ng alternatibong aktibidad ngayong holiday season, tulad ng pagdalo sa virtual Simbang Gabi at mamili online.