DOH, muling nagpapaalala sa publiko sa pagtungo sa mga resort

Patuloy ang paalala ng Department of Health (DOH) sa publiko na mag-ingat sa pagtungo sa iba’t ibang resort para mag-swimming.

Ito’y sa gitna nang maluwag na patakaran kontra COVID-19 kaya’t maraming pamilya at magkakaibigan ang sumusugod sa mga pool, beach resort at maging sa mga ilog at lawa para maligo.

Kabilang sa paalala ng DOH ang pag-iwas na maligo nang nag-iisa at kapag madilim na kung kailan mas mahirap makita ang isang taong nalulunod.


At dahil hindi rin maiiwasan na mag-inuman ng alak, pinaiiwas ng DOH ang paglangoy ng mga lasing o nakainom para hindi mauwi sa disgrasya ang masayang lakad.

Sa datos ng DOH, edad 1 hanggang 4 na taon ang itinuturing na mas nasa peligrong malunod bagama’t sa datos ay mga bagong silang na sanggol hanggang 14 na taon ang nangunguna sa mga naitalang biktima nang pagkalunod sa bansa.

Pinapayuhan din ng DOH ang mga magulang na huwag aalisin ang atensiyon sa mga bata na kasama sa mga resort habang pinapaalalahanan ang publiko na agad dalhin sa pinakamalapit na ospital ang sinumang nalunod kahit pa nakarekober na matapos mabigyan ng paunang lunas.

Ito’y para masiguro na ligtas at wala nang magiging problema ang mga ito sa epekto ng pagkalunod.

Facebook Comments