Umaapela ang Department of Health (DOH) sa publiko na dapat rin silang tumulong sa paglaban sa pagkalat ng mali at hindi beripikadong impormasyon hindi lamang sa pagpigil sa pagkalat ng COVID-19.
Ito ang naging pamawagan ng DOH sa gitna ng patuloy na pagkalat ng mga impormasyon hinggil sa paggamit ng iba’t ibang uri ng gamot laban sa COVID-19 at iba pang sakit.
Sa pahayag na inilabas ng DOH, binigyang diin nila na hindi lamang sapat na sumunod sa minimum public health standards ang lahat tulad ng pagsusuot ng face masks, paghuhugas ng kamay at social distancing.
Dapat rin daw na tumulong ang publiko sa pagpigil sa pagkalat ng mali o hindi beripikadong impormasyon.
Ang mga ito ayon sa DOH ay nagdudulot ng hindi kailangang takot at panic kung saan maaaring humantong pa sa pagkawala ng buhay.
Idinagdag pa ng DOH na kung may nais malaman hinggil sa totoong impormasyon, makinig, magbasa at manood sa mga inilalabas na pahayag ng mga eksperto na kanilang katuwang o kaya ay pawang mga nasa gobyerno.