Naglabas ng abiso ang Department of Health (DOH), na huwag dapat balewalain ng publiko ang nararanasan mga sintomas tulad ng pag-ubo, lagnat at hirap sa paghinga.
Ito’y sa mga natatanggap nilang ulat na may ilang nagkakasakit na umiiwas magpatingin sa doktor dahil sa takot na magpositibo sa COVID-19.
Sa abiso ng DOH, magkahawig ang sintomas ng COVID-19 at sa ilan pang nakamamatay na airborne disease tulad ng Tuberculosis.
Pero paalala ng DOH, maaagapan ang paglala at mabibigyang lunas ang sakit kung ikokonsulta lamang ito sa mga doktor at mga espesiyalista.
Kailangan lamang sundin ng pasyente ang payo para sa tamang gamutan.
Bukod dito, hinimok rin ng DOH ang publiko na bumisita sa website na healthypilipinas.ph upang malaman ang ilang impormasyon at huwag umasa o maniwala sa mga sabi-sabi.