Nag-abiso ang Department of Health (DOH) na ipagpaliban muna ang pagpunta o pagbabakasyon sa probinsya ngayong pasko dahil sa COVID-19 pandemic.
Bagama’t mas maluwag na ngayon, nagpaalala si Health Secretary Francisco Duque III na nasa paligid pa rin ang COVID-19 virus.
Aniya, mas mabuting ipagdiwang na lamang ang mga holidays kasama ang immediate family at sa pamamagitan na lamang ng online platforms idaos ang selebrasyon kasama ang pamilyang nasa malayong lugar.
Maliban dito, hinikayat din ni Duque ang publiko na sa online mass na lamang dumalo para maiwasan ang mataong lugar tulad ng simbahan ngayong nalalapit na ang simula ng simbang gabi.
“‘Yung lahat pong ito ay dapat mataas po sa ating kamalayan para lumayo po tayo sa peligro at maging ligtas po ang pagdiriwang ng ating Pasko at Bagong Taon. ‘Wag po tayong pasaway dahil may kasabihan, nasa bandang huli po ang pagsisisi.”ani Duque.
Kaugnay nito, ipinag-utos ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año na mas higpitan pa ang health protocols ngayong panahon ng kapaskuhan.
Giit ni Año, kinakailangan na mas maraming otoridad ang magbantay para masigurong sumusunod ang publiko.
Nagbabala rin ito sa ilang opisyal ng mga mall at pasyalan na maaaring silang ipasara sakaling lumabag ang mga ito sa quaratine violation.