Nagbabala ang Department of Health (DOH) sa publiko laban sa paggamit ng Ultraviolet (UV) light sa paglilinis ng mga bagay sa gitna ng banta ng COVID-19.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ang maling paggamit ng UV light ay maaaring magdulot ng pagkasunog ng balat o pagkairita ng mga mata.
Aniya, ginagamit lamang ang UV light sa mga ospital at iba pang health facilities.
“Mayroon din kasi itong harmful effects ito para mga tao kapag hindi yan nagamit nang maayos, halimbawa ginamit sa bahay, hindi naman marunong yung tao gumamit, maaring magkaroon ng harm puwedeng magkaroon ng burns sa skin niyo puwede rin sa mata,” sabi ni Vergeire.
Iginiit ni Vergeire na ang direktang pagpunas o wiping sa mga bagay ang mas mainam na paraan sa paglilinis o pag-disinfect.
Anuman ang mga inuuwing bagay o binili sa labas ng bahay ay kailangang linisin o i-disinfect.
“We recommend the direct wiping of surfaces using a rag with disinfectant. This is supported by scientific evidence,” dagdag ni Vergeire.
Sa huling datos ng DOH, aabot na sa 286,743 ang kaso ng COVID-19 sa buong bansa na may 51,894 active cases.
Nasa 229,865 ang gumaling habang nasa 4,984 ang namatay.