DOH, nagbabala sa mga nagbebenta ng kanilang plasma sa COVID patients

Nagbabala ang Department of Health sa sinumang nagbebenta o planong magbenta ng kanilang plasma at dugo para sa mga pasyenteng tinamaan ng COVID-19.

Ayon kay Health Spokesperson Undersecretary Maria Rosario Vergeire, may batas na nagbabawal sa pagbebenta ng plasma o dugo at sa ilalim ng National Voluntary Blood Services program ng pamahalaan, ang sinumang mahuhuli na nagbebenta ng dugo ay may kakaharaping parusa.

Aniya, bukod sa bawal ang pagbebenta nito, mapanganib sa pasyenteng tatanggap ng plasma gayundin sa nagbenta nito.


Sa ngayon, limitado na lamang ang pinapahintulutan na magsagawa ng procedure para sa pagkuha ng convalescent plasma, at kabilang dito ang Philippine Red Cross sa Maynila, Philippine Blood Center, St. Luke’s Medical Center at ang Philippine General Hospital o PGH.

Ang Convalescent Plasma Therapy ay kasama sa mga pinag-aaralan ng mga dalubhasa na posibleng gamot sa COVID-19 patients lalo na sa mga severe cases.

Ayon kay Usec. Vergeire, ongoing ngayon ang clinical trials para sa paggamit ng plasma sa COVID-19 patients sa Lung Center of the Philippines sa Quezon City, St. Luke’s, UP-PGH sa Maynila at sa Dr. Jose Rodriguez Hospital sa Tala, Caloocan.

Hinihikayat din ng mga eksperto ang mga pasyenteng gumaling na sa COVID-19 na magdonate ng kanilang plasma para sa mga pasyenteng patuloy na nakikipaglaban sa naturang virus.

Facebook Comments