DOH, nagbabala sa PBA sa paggamit ng antigen test

Nagbabala ang Department of Health (DOH) sa Philippine Basketball Association laban sa paggamit ng antigen test at pagdedeklara sa test results bilang ‘false positive.’

Ito ang reaksyon ng kagawaran matapos magkaroon ng hinihinalang kaso ng COVID-19 sa loob ng PBA Clark Bubble.

Nabatid na isang referee ang isinalang sa test ng tatlong beses bago pinayagang pumasok sa season bubble, nagnegatibo ito subalit nagpositibo sa kanyang ika-apat na test.


Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ang antigen test ay hindi sensitive tulad ng Reverse Transcription Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) tests na ikinokonsiderang gold standard sa pagsala ng COVID-19 cases.

Sinabi ni Vergeire, na kailangang masusing pag-aralan ang test results bago sabihin na ito ay false positive.

Kapag mataas ang cycle threshold, ibig sabihin ay mababa ang viral load, kapag mababa naman ang cycle threshold ay mataas naman ang viral load.

Pinayuhan ni Vergeire ang PBA management na isalang na sa RT-PCR ang referee sa lalong madaling panahon.

Sa ngayon, naka-quarantine ang referee sa Athletes’ village sa New Clark City.

Facebook Comments