DOH, nagbabala sa posibleng pagtaas ng sakit na Leptospirosis matapos ang bagyong Tisoy

Muling nagbabala ang Department of Health o DOH laban sa posibleng pagtaas ng kaso ng Leptospirosis kasunod ng bagyong Tisoy.

Ayon kay Health Sec. Francisco Duque III, matapos ang pagbayo ng bagyo ay tiyak na may mga basura sa mga kalsada.

Umaasa si Duque na agad na aaksyon ang mga lokal na pamahalaan upang malinis at mahakot ang mga basura at huwag nang patagalin pa upang hindi na magkaroon ng mga daga.


Tuwing tag-ulan o kaya’y may bagyo ay karaniwang may mga baha kaya’t posibleng maging kontaminado ito dahil sa ihi ng mga daga na nagdudulot naman ng Leptospirosis.

Paalala ni Duque, ang tinatamaan ng sakit ay makakaramdam ng lagnat, pananakit ng ulo at sikmura, pangangatog, pananakit ng kalamnan, paninilaw ng mga mata at balat.

Siguruhin naman daw na kapag lumusong sa baha ay agad na maghugas ng mga paa at binti gamit ang sabon at malinis na tubig.

Kapag nakaranas ng sintomas, dapat ay magpatingin agad sa doktor o magtungo sa pinakamalapit na health center upang mabigyan ng mga gamot.

Facebook Comments