DOH, nagbabala sa publiko kaugnay ng Chinese medicine na Lian Hua Qing Wen

Nagbabala ang Department of Health (DOH) sa publiko sa harap ng talamak na bentahan ng Chinese medicine na Lian Hua Qing Wen.

Sa kanyang virtual press briefing, sinabi ni Health Usec. at Spokesperson Ma. Rosario Vergeire na marami siyang nakikitang nagbebenta ng naturang gamot online.

Nagpaalala sa publiko si Vergeire na ang Lian Hua Qing Wen ay dapat sa mga botika lamang binibili.


Kailangan din aniyang prescribed o may reseta mula sa doktor bago makabili ng nabanggit na Chinese medicine.

Ayon pa kay Vergeire, ang sinumang mahuhuli at mapapatunayang nagmamanipula ng presyo ng Lian Hua Qing Wen at nagho-hoard ng nasabing gamot ay mananagot sa batas.

Nauna nang kinumpirma ng Food and Drug Administration (FDA) na aprubado lamang ang Lian Hua Qing Wen bilang “traditional Chinese medicine” bilang lunas sa lagnat at lung toxins.

Pero, hindi anila ito gamit sa COVID-19 sa kabila ng pahayag ng China na ito ay lunas sa mild at moderate cases ng COVID-19.

Facebook Comments