Nagbabala ang Department of Health (DOH) sa publiko laban sa mga pekeng e-mail mula sa mga scammer na layong linlangin ang mga tao.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, pinapalabas ng mga ito na taga-DOH sila at nanakawin ng mga ito ang personal data ng kanilang mabibiktima.
Aniya, nakatatanggap sila ng mga ulat tungkol sa mga kaduda-dudang mga e-mail hinggil sa pamamahagi ng libreng testing machines, face masks, at ventilators.
Nakikipag-ugnayan na sila sa Philippine National Police (PNP) at sa National Bureau of Investigation (NBI) para matukoy at mahuli ang mga nasa likod nito.
Hinimok ni Vergeire ang publiko na huwag buksan ang mga e-mail na manggagaling sa mga sumusunod na address: covid19@doh.gov.ph, coronavirusfilipinas@gmail.com, officeofsoh@doh.gov.ph, at officeofsoh@gmail.com.
Ang mga nasabing e-mail address ay walang koneksyon mula sa DOH.
Maaari ring isumbong ang mga ganitong insidente sa kanilang Call Center Hotlines (632) 8651-7800 local 5003-5004 o mag-e-mail sa callcenter@doh.gov.ph
Mariing kinokondena ng DOH ang mga ganitong uri ng panloloko at pananamantala sa panahon ng pandemya.