DOH, naghahanda na ng medical evacuation sa 2 Pinoy crew na COVID-19 critical patients habang naka-dock ang barkong sinasakyan sa Bataan

Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na kasado na ang medical evacuation sa dalawang Filipino seafarers na nasa kritikal na kalagayan at nanghihina na matapos tamaan ng COVID-19 habang sakay ng barko.

Ang MV Athens Bridge na naka-dock ngayon sa Corregidor Island sa Bataan ay may sakay na 21 Pinoy crew at 12 dito ang COVID-19 positive.

Dalawa ang kritikal na ang kalagayan at nahihirapan nang huminga.


Kinakapos na rin sa oxygen ang barko at isa na lamang na oxygen bottle ang ginagamit ng mga ito.

Kinumpirma ng DOH na pinayagan nang makalapit sa Maynila ang barko para maagapan ang dalawang crew na nasa kritikal na kondisyon.

Unang tinanggihan ang barko na makapag-dock sa Vietnam kaya nagpasya itong dumiretso na lamang sa Pilipinas lalo na’t pawang mga Pinoy ang crew nito.

Tiniyak naman ng DOH na hindi nila pababayaan ang mga crew na mangangailangan ng medical assistance.

Facebook Comments