DOH, nagkasa ng pagbabakuna sa mga anak at apo ng kanilang empleyado

Ikinasa ng Department of Health (DOH) ang pagbabakuna sa mga anak at apo ng kanilang mga empleyado.

Isinagawa ang pagbabakuna sa sinehan ng SM San Lazaro sa lungsod ng Maynila kung saan mala-children’s party ang tema.

Ilan sa mga dumalo sa nasabing vaccination program ay mga opisyal ng DOH tulad nina Sec. Francisco Duque III, Usec. Myrna Cabotaje, Asec. Elmer Punzalan at Center for Health Department-National Capital Region Director Dr. Gloria Balboa.


Nabatid na ikinasa ng DOH ang ganitong uri ng aktibidad para ipakita sa lahat na ang mga bakuna ay ligtas, epektibo at kayang magbigay ng proteksyon kontra COVID-19 lalo na sa mga batang may edad 5 hanggang 11 taong gulang kung saan higit isang linggo na ang nakakalipas mula ng simulan ang pagbabakuna sa mga ito.

Sa pahayag ni Usec. Cabotaje, umaabot na sa higit 263,000 ang bilang ng mga batang 5-11 taong gulang ang naturukan.

Bukod dito, sinabi pa ni Cabotaje na nasa 482 na vaccination sites sa buong bansa ang naitayo na para mas mapabilis pa ang pagbibigay ng bakuna.

Nasa higit 8.1 milyon na bilang ng mga kabataan naman na nasa edad 12 hanggang 17 taong gulang ang nakakumpleto na ng bakuna.

Nagpapasalamat naman si Sec. Duque sa pamunuan ng mall at sa lahat ng kanilang empleyado na nakipag-participate sa isinagawa nilang Resbakuna Kids lalo na’t batid niya na ang ilang mga kabataan ang gusto ng magpabakuna upang maging ligtas na rin sa COVID-19.

Facebook Comments