Naglabas ang Department of Health (DOH) ng mga guidelines na dapat sundin sa selebrasyon ng Kapaskuhan.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ang Pasko ay panahon ng pagbibigayan at pagsasama-sama ng pamilya pero hindi dapat kalilimutan na nasa gitna pa rin tayo ng pandemya.
Aniya, mainam na limitahan sa 15 minuto ang pakikipag-usap sa tao.
Batay kasi sa isang pag-aaral ang 15 minutong pakikipag-usap sa isang tao ay maaaring maging dahilan nang pagkaka-infect sa COVID-19.
Dapat din aniyang sumunod sa mga health protocols gaya ng social distancing at gawin ang mga pagdiriwang sa mga well ventilated areas o mga open spaces.
Sa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ) pinapayagan ang hanggang 10 tao sa isang pagtitipon habang ang nasa Modified GCQ ay hanggang 50 bisita.
Paalala pa ni Vergeire, mainam na ipagdiwang ang Pasko ng isang buong pamilya at huwag na munang mag-imbita ng mga kamag-anak.
Pinayuhan din ng DOH ang publiko na iwasan ang sabay-sabay na pagkuha ng pagkain at iwasan ang pagsasalo-salo sa hapagkainan.
Una nang pinaiiwas ni Vergeire ang publiko sa videoke sessions ngayong holiday season matapos lumabas sa pag-aaral na kapag ang isang tao ay kumakanta, mas mataas ang posibilidad na lalo pang kumalat ang virus.
Nilinaw naman ni Vergeire na pinapayagan nila ang karaoke sessions sa mga pamilyang hindi lumalabas ng bahay o hindi exposed sa labas.
Download the full document here bit.ly/MPHSHolidays