Pina-alalahanan ng Department of Health (DOH) ang Cavite Local Government Unit (LGU) na kailangan muna nilang kumuha ng regulatory approval bago sila magsagawa ng COVID-19 vaccine clinical trial sa lalawigan.
Kasunod ito ng anunsyo ni Cavite Governor Jonvic Remulla na 10,000 na Caviteño ang lalahok sa trials para sa bakuna kontra COVID-19 na pangungunahan ng pharmaceutical companies mula sa Amerika at Britanya.
Ayon kay Health Spokesperson Maria Rosario Vergeire, inabisuhan na nila ang research team na kailangan muna nitong kumuha ng approval sa Food and Drug Administration (FDA) at ethics review board bago simulan ang Phase 3 ng trial.
Pagkatapos aniya nito, kailangan din ng team na abisuhan ang DOH sa pagsisimula ng trial.
Nagbabala si Vergeire na may malalabag silang batas kapag hindi nila sinunod ang itinakdang proseso.