DOH, nagpaalala sa mga debotong lalahok sa prusisyon ng Black Nazarene

Manila, Philippines – Nagpaalala si Health Secretary Francisco Duque III sa mga deboto na lalahok sa prusisyon ng Black Nazarene na magsuot ng kumportableng kasuotan, gayundin ng mga protective footwear, at mga sombrero bilang proteksiyon sa init.

Maaari rin aniyang magdala ng mga kapote, bilang proteksiyon naman sa init at tubig; biskwit; at mga candies upang makaiwas sa gutom at dehydration.

Payo pa ng kalihim, iwasan na ang pagdadala ng mga alahas, mamahaling gadgets at iba pang mahahalagang gamit, na maaaring makaakit ng mga kawatan, na posibleng magsasamantala rin sa okasyon.


Ang mga may buntis, bata, at may sakit naman pinayuhan na huwag nalang sumali sa Traslacion.

Pero kung hindi naman maiwasan, ay tiyakin na may dalang maintenance na gamot upang makaiwas.

Bilang bahagi ng preparasyon kaugnay ng Traslacion 2020, isinailalim na sa code white alert ang labing-anim na government hospitals sa Metro Manila.

Ayon sa DOH, ang code white alert ay idinideklara sa mga pagamutan kapag may national events, holidays, at iba pang pagdiriwang na maaaring maging sanhi ng mass casualties o emergencies, gaya ng Traslacion.

Sa panahon ng code white alert, ang mga emergency medicines at supplies, partikular na ang mga trauma needs, ay dapat na nakahanda sakaling kailanganin.

Ang mga medical specialists ay dapat na nakaantabay para kaagad na malapatan ng lunas ang mga pasyente, habang ang mga emergency service personnel, nursing at administrative personnel ay naka-on-call status.

Facebook Comments