Hindi pa rin matukoy ng Department of Health ang totoong dahilan ng sinasabing pagkalason ng mga miyembro ng Seventh day Adventist sa Impasug-ong, Bukidnon.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Dr. Henry Legaspi, Hepe ng Bukidnon Provincial Medical Center na hinihintay pa nila ang resulta ng laboratory test sa sample ng specimen na ipinadala nila sa Research Institute for Tropical Medicine o RITM.
Sa naunang panayam ng RMN Manila kay Doc Erwin Lapuz, isa sa mga dumalo sa youth convention. Nakitaan ng amoeba ang ilan sa mga pasyente.
Hinala niya, nakuha ito ng mga biktima matapos na mag-alis ng dumi sa septik tank malapit sa kanilang venue kung saan dumami ang langaw at dumapo sa mga pagkain.
Sabi naman ni Municipal Environmental and Natural Resources Officer Emmanuel Lomoyod, sa isinagawang conference kahapon, nabanggit na posibleng kaso ito ng diarrhea.
Nakalabas na ang 46 mula sa 139 na biktima na itinakbo sa Bukidnon Provincial Medical Center.
Bukod pa ito sa mahigit 100 pang biktima na itinakbo sa iba’t ibang pagamutan sa bayan ng Impasug-Ong.