DOH nagpasaklolo sa Red Cross tungkol sa kaso ng dengue

Humingi ng tulong ang Department of Health (DOH) tungkol  sa mga nabiktima ng dengue kung saan  handang-handa naman ang Philippine Red Cross (PRC)  na umayuda sa gobyerno at sa mga lugar na maraming kaso ng dengue.

Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, humingi na sila ng ayuda sa PRC upang matugunan ang paglaki ng dengue cases, lalo na sa Western Visayas na mayroon ng outbreak.

Paliwanag ng kalihim nagpasalamat sila sa PRC, dahil kamakailan lamang ay nagpadala sila ng emergency medical units o tents sa ilang ospital sa Iloilo.


Ito ay alinsunod naman sa direktiba ni PRC Chairman Richard Gordon, lalo at napaulat na punong-punong ng mga pasyenteng may dengue ang ilang ospital sa probinsya.

Ang emergency medical unit o tents ay may mga kama at air-conditioned pa, ito ay para maging komportable ang mga pasyente at kanilang bantay o pamilya.

Sa pamamagitan ng tents, ayon sa PRC, maiibsan ang siksikan sa mga ospital na kahit ang ward ay okupado ng mga pasyente.

Ikinatuwa naman ng DOH sa pagtiyak ng PRC na mayroon silang sapat na suplay ng dugo, sa gitna ng paglobo ng bilang ng dengue cases sa buong bansa.

Facebook Comments