Nagpasalamat ang Department of Health (DOH) sa Kongreso sa pagratipika ng House Bill No. 7551 at Senate Bill 2212 o mas kilala bilang “Regional Specialty Centers Act”.
Ito’y dahil magkakaroon na sila ng pagkakataon na pamunuan at makontrol ang mga itatayong specialty centers sa ilang mga hospital sa kada rehiyon.
Nabatid na nasa 231 na bagong specialty centers ang itatayo sa buong bansa kung saan dahil dito, mas mapapabilis at mas madali na rin ang pagbibigay serbisyong medikal ng DOH sa publiko.
Sa pahayag ni DOH Officer-in-Charge Dr. Maria Rosario Vergeire, sisikapin nilang maisakatuparan ang pagtatayo ng mga specialty center sa loob ng limang taon base na rin sa mga lugar na nagkakaroon ng pagtaas ng bilang ng malubhang sakit at lubos na nangangailangan ng tulong.
Aniya, sa pamamagitan nito ay mas lalo pang mapapalakas ang implentasyon ng Universal Health Care Law.
Sinisiguro naman ng DOH na ang mga itatayong specialty center kada hospital ay may mga kagamitan na makakatugon sa mga pangangailangan at may mga expert personnel at medical specialists.