DOH, nagsasagawa ng survey para matantya ang presyo ng RT-PCR tests

Nagsasagawa ang Department of Health (DOH) ng surveys para malaman ang presyo ng Reverse Transcription – Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) test, na nananatiling ‘gold standard’ sa pagtukoy ng COVID-19.

Matatandaang ipinanukala ng DOH na magtakda ng price cap sa nasabing testing method.

Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, inatasan na nila ang kanilang kaukulang tanggapan na magsagawa ng survey sa iba’t ibang testing methods na kasalukuyang ginagamit.


Malalaman aniya dito kung ano ang specific guidelines ang kailangan nilang ilabas sakaling aprubahan ito ng Office of the President.

Sa ngayon, isinasapinal pa ng DOH ang kumpletong guidelines hinggil sa paggamit ng iba’t ibang testing methods para sa COVID-19.

“It has been stalled. Dapat ilalabas na natin di ba bago mag September 11 kaya lang naglabas ang ating WHO (World Health Organization) ng kanilang rekomendasyon na itong antigen test ay hindi pwede gamitin for specific circumstances. So ito ay nagkaroon ng biglang pagbabago ang rekomendasyon ng ating mga eksperto dahil dito,” sabi ni Vergeire.

Sinabi ni Vergeire na kailangang tapusin ang pilot test para sa antigen testing bago nila ilabas ang omnibus guidelines.

Ang pilot test para sa antigen testing ay kasalukuyang ginagawa sa Baguio City.

Facebook Comments