DOH, nakikipag-ugnayan na sa mga lokal na pamahalaan para sa pagbibigay ng tamang impormasyon sa COVID-19 vaccines

Gumagawa na ng paraan ang Department of Health (DOH) para mabigyan ng mga tamang impormasyon ang publiko hinggil sa mga bakuna laban COVID-19.

Ito dahil sa pagkalat sa social media ng mga tinatawag na “anti-vaxxers” o mga taong kumukontra sa mga bakuna kung saan nagpapalabas sila ng mga maling impormasyon hinggil sa bakuna.

Sa pahayag ni Health Undersecretary at Spokesperson Maria Rosario Vergeire, alam ng DOH na maraming anti-vaxxers ngayon ang nagsusulputan sa gitna ng usapin ng pagbili ng COVID-19 vaccines ng ating bansa.


Pero tiniyak ni Vergeire na pinaghahandaan ng DOH ang pagbibigay ng tamang impormasyon at sa katunayan ay nakikipag-ugnayan na sila sa mga opisyal ng mga lokal na pamahalaan.

Ito’y upang makatulong din sila sa DOH na maihanda ang mga komunidad sa mga paparating na COVID-19 vaccines.

Dagdag pa ni Vergeire, natapos na rin ng DOH ang communication plan para mas mapalawak pa ang paglalabas ng mga tamang impormasyon patungkol sa mga bakuna.

Posibleng sa kalagitnaan ng Disyembre ay maumpisahan na ng DOH ang mga engagement o pagpapaliwanag sa mga komunidad.

Facebook Comments