DOH, nakikipag-ugnayan na sa WHO para sa pagbili ng monkeypox vaccine

Nakikipag-ugnayan na ang Department of Health (DOH) sa World Health Organization (WHO) para sa posibleng pagbili ng mga bakuna kontra monkeypox.

Ayon kay DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire, nai-register na ng United States Food and Drug Administration (US FDA) ang smallpox vaccine bilang panlaban sa monkeypox virus.

Pero aniya, kasalukuyang limitado ang suplay ng nasabing bakuna.


Dahil dito, nakikipag-usap na ang ahensya sa mga partners natin tulad ng WHO para matulungan ang bansa na magkaroon ng access sa monkeypox vaccine.

Matatandaang sinabi kamakailan ng DOH na napatunayang 85% na epektibo ang smallpox vaccine sa pagpigil ng monkeypox.

Pero paglilinaw ni Vergeire, hindi pa rin immune sa monkeypox ang mga indibidwal na nagkaroon na ng chickenpox.

Nito lamang Sabado nang ideklara ng WHO ang monkeypox outbreak bilang public health emergency of international concern.

Sa ngayon, nasa halos 16,000 na ang tinamaan ng sakit mula sa 72 mga bansa sa buong mundo.

Wala pa namang naitatalang kaso nito sa Pilipinas.

Facebook Comments