Nakikipag-ugnayan na ang Department of Health (DOH) sa Department of Trade and Industry (DTI) para sa pagbalangkas ng mga panuntunan sa pagpapataw ng price cap sa mga COVID-test at test kits.
Ito ay alinsunod sa Executive Order (EO) na pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa pagkakaroon ng price cap sa mga COVID-19 test partikular ang swab test.
Sinabi ni Health Sec. Francisco Duque III na katuwang ng DOH ang DTI sa pagtukoy sa nararapat na price range o presyuhan ng COVID-19 test kits.
Batay sa EO 118, ang DOH at DTI ang naatasan na magdetermina, bumuo at ipatupad ang price range para sa COVID-19 testing kasama ang mga test kits na ginagamit sa mga ospital, laboratory at iba pang pasilidad pribado man o pampubliko na lisensyado ng DOH.
Una rito, hiniling ng DOH sa Malakanyang na magkaroon ng price cap sa mga COVID-19 test kits, dahil na rin sa paiba-ibang presyo ng mga ito.