DOH nakipag-ugnayan na sa gobyerno ng China para maiuwi ang kanilang kababayan na namatay sa nCoV sa bansa

Inihayag ng Department of Health (DOH) na nakikipag-ugnayan na sila sa pamahalaan ng China para maibalik sa kanilang bansa ang apatnapu’t apat na taong gulang na Chinese na lalaki na namatay dahil sa 2019 novel coronavirus acute respiratory diseases.

Ayon kay DOH Secretary Francisco Duque III, naka-cremate na ang nasabing lalaki bilang protocol sa mga dayuhang pasyente na namatay dahil sa infectious diseases para maibalik sa pinanggaling bansa.

Ang tinutukoy ng kalihim ay ang unang pasyente na nagpositibo sa nasabing virus na na-confine sa San Lazaro Hospital noong January 25 at namatay kahapon, February 1.


Tiniyak naman ng kalihim sa publiko na ginagawa nila ang lahat para matiyak ang kaligtasan ng mga Filipino laban sa virus, aniya, wala pang Pinoy na infected sa nCoV.

Patuloy naman na nakikiusap ang DOH sa publiko na panatilihin ang kalinisan sa katawan, palakasin ang resistensya, gumamit ng mask pag may sipon at ubo at umiwas muna sa mataong lugar.

Facebook Comments