Muling umapela ang Department of Health (DOH) sa mga healthcare workers sa bansa na huwag ng ituloy ang ikinasa nilang malawakang kilos protesta sa Setyembre 1, 2021.
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, lubos na maaapektuhan ang operasyon ng mga ospital at ang pagbibigay ng atensyong medikal sa mga COVID-19 patients.
Aniya, umaasa silang hindi matuloy ang protesta at unahin ang kapakanan ng mga pasyenteng naka-admit sa kanilang mga ospital.
Tiniyak naman ni Vergeire na ginagawa ang lahat ng kagawaran ang kanilang makakaya para maibigay ang mga nararapat na benepisyo ng mga healthcare workers sa bansa.
Bukod dito, nakikipag-ugnayan na rin aniya sila sa mga mambabatas para maipamigay na rin ang Special Risk Allowance (SRA) sa mga healthcare workers na hindi direktang nangangalaga sa mga COVID-19 patients.