Iginiit ng Department of Health (DOH) ang kahalagahan ng pagdedeklara ng enhanced community quarantine sa Luzon.
Sa press briefing ngayong hapon, sinabi ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire na kung hindi nagpatupad ng Luzon-wide enhanced community quarantine, malamang na napakataas na ng kaso ng COVID-19 sa bansa. Kasabay naman ng inaasahang pagdating ng mas maraming test kits.
Nilinaw ng DOH na hindi lahat ay mate-test. Prayoridad aniya ng testing ang mga Persons Under Investigation (PUI) na may mga pre-existing conditions na nakakababa ng kanilang resistensya, mga senior citizen, buntis at may mga travel history at close contact sa isang pasyenteng may COVID-19.
Pakiusap ng doh sa mga magpapa-test, maging tapat at ibigay ang lahat ng impormasyong kailangan. Samantala, inaasikaso na rin aniya ng DOH ang panawagan ng mga ospital para sa Personal Protective Equipment (PPE). Sa ngayon, umabot na sa 380 ang kaso ng COVID-19 sa bansa, 25 ang nasawi habang 17 ang naka-recover na.
Pinakamatanda sa gumaling ay nasa edad 73 habang 23-anyos naman ang pinakabata.