Nanindigan ang Department of Health (DOH) na mahalaga pa ring manatili ang vulnerable sectors tulad ng mga senior citizens sa loob ng bahay sa harap ng COVID-19 pandemic
Ito ang iginiit ng kagawaran sa kabila ng mungkahing luwagan ang quarantine restrictions sa mga senior at mga menor de edad.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, kung walang mahalagang gagawin sa labas ay mas mainam na huwag nang lumabas ng bahay.
“Kasi talagang at risk sila. Sila yug tinatamaan na mas malubha para sa sakit na ito,” ani Vergeire.
Sa ilalim ng general community quarantine, ang mga may edad mababa sa 21-anyos at higit sa 60-anyos ay kailangang manatili sa loob ng bahay, maliban na lamang kung kailangang bumili ng essential goods.
Gayumpaman, hindi kokontrahin ang DOH anuman ang magiging desisyon ng Inter-Agency Task Force (IATF) basta nasusunod ang minimum health standards.