Ipinaliwanag ng Department of Health (DOH) kung bakit pumalo sa record high na 401 ang naitalang COVID-19 deaths noong nakaraang Biyernes.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, hindi lahat ng ito ay naitala sa loob lamang ng isang araw.
Aniya, pito sa bilang ng nasawi ay noon pang Enero, 45 noong Pebrero, 287 noong Marso at 49 ngayong buwan ng Abril.
Paliwanag ni Vergeire, ito ay dulot ng patuloy na pag-validate sa mga kaso ng nasawi dahil hindi naman agad pwedeng ilagay sa official tally kung kulang ang mga detalye.
Napag-alaman na karamihan sa mga indibidwal na nasawi ay nagmula sa Region 3 na may 46 percent, Region 4-A na may 23 percent, National Capital Region may 13 percent at Region 7 na may 10 percent.
Habang ang maliit na bilang naman ay nagmula sa iba pang mga rehiyon sa bansa.