DOH, nilinaw na 113,000 indibidwal lamang ang nagkaroon ng delay sa pagtanggap ng second dose ng COVID-19 vaccines

Nilinaw ng Department of Health (DOH) na nasa 113,000 indibidwal o 9% lang ang naantala ang pagtanggap ng second dose ng COVID-19 vaccine.

Ito ay mas mababa sa pagtataya ni Epidemiologist Dr. John Wong na kalahati ng nasa 2 milyong indibidwal na dapat bumalik para sa second dose ang hindi pa bumabalik hanggang noong Mayo 29.

Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, karaniwang dahilan ng pagkaantala ang pagkakasakit o pagkalantad sa COVID-19 positive.


Aniya, ang mga naiulat na missed schedule ay base sa pagtataya at puwedeng maiba ang aktuwal na numero base sa National Vaccination Operations Center (NVOC).

Iginiit naman ni Vergeire na puwede pa ring bakunahan ng second dose kahit lagpas na sa schedule.

Makipag-ugnayan lang aniya ang mga tatanggap ng second dose sa barangay o lugar kung saan sila unang naturukan ng COVID-19 vaccine.

Facebook Comments