Nilinaw ng Department of Health (DOH) na papasok pa lamang ang Pilipinas sa pinal na kasunduan pagdating sa bilang ng Anti-COVID-19 vaccines na gagamitin sa mga Pilipino.
Matatandaang inaprubahan ng COVID-19 Task Force ng pamahalaan ang paglalaan ng pondo para sa pakikilahok ng bansa sa COVID-19 Vaccines Global Access (COVAX), isang global facility para matiyak ang patas na access sa bakuna.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, habang nakikilahok ang Pilipinas sa COVAX, ang pinal na kasunduan para sa paglalaan ng COVID-19 vaccines kada bansa ay hindi pa nailalatag.
Dagdag pa ni Vergeire, nakikipag-usap din ang bansa sa tatlong iba pang pharmaceutical companies mula China at isa mula sa Taiwan hinggil sa bakuna.
Paglilinaw ni Vergeire, ang mga bakuna ay kailangang maaprubahan muna ng Food and Drug Administration (FDA) kung manggagaling ang mga ito mula sa China at Estados Unidos para matiyak na ito ay ligtas at epektibo.
Samantala sa huling datos ng DOH, nasa 26,153 ang active COVID-19 cases sa bansa.
Nasa 4,063 ang nadagdag sa kabuuang kaso na nasa 93,354.
Umabot naman sa 65,178 ang gumaling at 2,023 ang nasawi.