Nanindigan ang Department of Health (DOH) na nananatiling limang ospital lamang ang napagkalooban ng CSP o Compassionate Special Permit ng Food and Drug Administration (FDA) para gumamit ng Ivermectin sa mga pasyente na may COVID-19.
Sa harap ito ng report na dalawang kongresista ang mamimigay ng Ivermectin para gamitin panlaban sa COVID-19.
Sinabi ni Health Spokesperson Usec. Ma. Rosario Vergeire na sumasalang pa rin sa re-evaluation ang Ivermectin.
Sa ngayon aniya ang posisyon ng mga eksperto na binubuo ng iba’t ibang medical society kasama ang DOH at FDA ay napakababa pa ng kalidad ng mga ebidensiya na nagsasabing nakatutulong ang Ivermectin laban sa COVID-19.
Ito ayon kay Vergeire ang dahilan rin kaya’t hindi nila inirerekomenda ang paggamit ng gamot sa mga mild at moderate na pasyente ng COVID-19 o paggamit nito kasama ng Doxycycline.