Nilinaw ng Department of Health (DOH) na walang batas na nagsasaad na inoobliga ang mga nag-a-apply sa trabaho para sa COVID-19 vaccination.
Tinukoy ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire ang Section 12 ng Republic Act 11525, kung saan nakasaad dito na ang vaccine cards ay hindi itinuturing na karagdagang mandatory requirement para sa educational, employment, at sa transaction purposes sa mga tanggapan ng gobyerno.
Sa kabila nito, muling nanawagan si Vergeire sa eligible population na magpatala na sa kanilang Local Government Units (LGUs) para sa COVID-19 vaccines para sa kanilang proteksyon.
Ang paglilinaw ni Vergeire ay kasunod ng executive order ni Davao City Mayor Sara Duterte na nag-oobliga sa mga empleyado ng lungsod at volunteers na magpabakuna laban sa COVID-19.
Nakasaad din sa executive order ng alkalde na ang plantilla personnel na tatangging magpabakuna ay maaaring mapanagot sa kasong administratibo partikular ang insubordination.