DOH, patuloy na nakatutok sa mga tinamaan ng acute gastroenteritis outbreak sa Baguio City kahit pa kontrolado na ang sitwasyon

Mananatiling nakatutok ang Department of Health (DOH) sa mga tinamaan ng acute gastroenteritis outbreak sa Baguio City.

Ito’y kahit pa una na nilang inanunsiyo an kontrolado na ang nasabing sakit matapos magkaroon ng outbreak noong nakaraang linggo.

Ayon kay DOH Spokesperson Usec. Eric Tayag, base sa kanilang datos, 600 lang ang nagpakonsulta sa mga hospital at clinic gayung nasa higit 3,000 ang tinamaan ng gastroenteritis batay sa self-reported cases sa online.


Dagdag pa ni Tayag, wala naman naitalang namatay dahil sa sakit pero minomonitor pa rin nila ang kalagayan ng mga ito.

Sinabi pa ni Tayag, dahil sa kontaminadong tubig kaya nagkaroon ng outbreak base na rin sa water sample sa ilang pinagkukunang tubig.

Pinawi na rin ng DOH ang pagkabahala ng mga residente kung saan unti-unti na rin bumababa ang kaso ng nasabing sakit.

Sa huling datos ng DOH, mula sa Baguio City Health Service Office, nasa 13 kaso na lamang ng acute gastroenteritis ang naitatala sa lungsod.

Facebook Comments