Pinabubuo ni Committee on Health Chair at Quezon Rep. Angelina Tan ang Department of Health (DOH) ng contingency plan sakaling tuluyang mapuno ang bed capacity ng mga COVID-19 referral hospitals.
Giit ni Tan, dapat ay nagpaplano na ang ahensya lalo’t ilang ospital na sa National Capital Region (NCR) ang nagpahayag ng full bed capacity.
Inirekomenda pa ng mambabatas na magdagdag ng COVID ward ang mga ospital upang makapag-accommodate ng mas maraming COVID-19 patients.
Ayon naman kay DILG Usec. Ricojudge Echieverri, nakikipag-ugnayan na sila kay Testing Czar Vince Dizon kung magkano ang posibleng gastos para sa pagtatayo ng isolation hospitals.
Isa sa nakikita nilang solusyon upang matulungan ang over capacity ng mga ospital ay ang pagtatayo ng mga isolation hospitals sa bawat Local Government Unit (LGU).
Hinihintay lamang aniya nila kung magkano ang gagastusin upang kanilang maisama sa proposed budget ng ahensya para sa 2021.