Pag-uusapan pa ng Department of Health (DOH) kung isasama o hindi ang mga dayuhan sa mga babakunahan laban sa COVID-19 sa bansa.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ipagbibigay-alam nila ito sa National Immunization Technical Advisory Group (NITAG) para pagdesisyunan at kung kanila itong irerekomenda.
Aniya, may benepisyo sa mga Pilipino kung mababakunahan ang mga dayuhan lalo na ang matagal ng ninirahan sa bansa.
“Sa isang rational point of view, since they are here and since they also interact with Filipino people, baka dapat kasama. Pero kailangan pa rin po natin pag-usapan kasi meron na po tayong pinalabas na listahan so kung saka-sakali po, baka sa rest of the population makasama,” sabi ni Vergeire.
Sabi pa ni Vergeire, nasa pagpapasya naman ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) kung libre ang ibibigay na bakuna sa mga dayuhan.