Pinag-aaralan ng Department of Health o DOH kung isasama na ang bakuna laban sa meningococcemia sa mga bakunang ibinibigay ng libre ng pamahalaan.
Ito ang inihayag ni Secretary Francisco Duque III, sa gitna ng mga naitatalang kaso ng meningococcemia, partikular sa Laguna at Batangas.
Sinabi ni Duque na ang meningococcal vaccines ay hindi pa kasama sa mga bakunang libreng ini-aalok sa mga Pilipino.
Sa ngayon, ang mga bakunang libre ay para sa tuberculosis, polio, diphtheria, tetanus, pertussis at measles o tigdas.
Ayon sa kalihim, bagamat umabot na sa 169 ang naitalang nasawi dahil sa naturang meningococcemia ngayong taon, mababa pa rin aniya ang attack rate nito at wala ring outbreak ng sakit.
Aminado naman si Duque na hindi pa rin matukoy kung saan nanggagaling ang bacteria na ito, pero payo niya sa publiko na panatilihin ang proper hygiene upang hindi mahawa ng anumang uri ng sakit.