DOH, pinag-iingat ang publiko sa mga gagawing aktibidad ngayong holiday season

Pinayuhan ng Department of Health (DOH) ang publiko na mag-ingat sa mga gagawing aktibidad ngayong holiday season sa harap pa rin ng banta ng COVID-19 pandemic.

Ayon kay DOH Health Promotion Policy and Technology Unit Head Rodely Carza, ang mga aktibidad na ikinokonsiderang ‘high-risk’ para sa COVID-19 transmission ay ang pagsha-shopping sa mga siksikang pamilihan, tiangges, Christmas bazaars at shopping malls.

Mataas din ang banta ng virus sa indoor gathering o pagtitipon ng maraming tao kung saan mayroong kantahan, hiyawan, at sayawan.


Bukod dito, ang pagsasagawa ng religious activities sa loob ng enclosed spaces na may bilang ng mga partisipanteng lagpas sa inirekomendang limit ay ikinokonsiderang high-risk.

Ang mga aktibidad na ikinokonsiderang ‘moderate risk’ ay ang pagsasagawa ng outdoor, small group gatherings kung saan nasusunod ang physical distancing at naaayon sa restriction sa mass gatherings.

‘Low risk’ naman ang pagdalo sa online masses, virtual gathering at online shopping.

Inirekomenda ng DOH na limitahan ang bilang ng mga dumadalo sa anumang gatherings o activities.

Ang mga attendees ay dapat sumunod sa minimum health standards at panatilihin ang proper hygiene.

Facebook Comments